Wednesday, August 31, 2011

Bulok na Sistema


Nakaba-bad trip na traffic
 Kung nasubukan mo nang bumyahe mula Rizal patungong Metro Manila, maaaring maintindihan mo ang pagkainis ng mga taong tulad ko sa tuwing luluwas patungong Maynila.

Rush hour traffic. Maituturing na kalbaryo. Bukod sa marami nang sasakyan, ay marami pang mga tao ang nakikipaggitgitan sa isa't-isa upang makasakay sa jeep o pampasaherong bus. Tila ba tumpok ng mga langgam na dinudumog ang kapiprasong kendi. At isa pa sa mga makakasira ng iyong umaga ay ang mga drayber at kundoktor na pilit kang isisiksik sa loob ng jeep.

Ito ang isa sa mga problema ng mga nagmamaneobra ng mga pampasaherong sasakyan. Lagi nilang ipagpipilitan na ang jeep ay sampu-an, onse-han, o kahit anong 'han'. Hindi nila naiisip ang iba't-ibang laki at lapad ng kanilang mga pasahero.

Isa pang nakapang-iinit ng ulo ay ang matiyempuhan mo ang trapik kasabay ng mainit na panahon. Hindi pa man nagsisimula ang araw, amoy araw ka na dahil sa init at pawis. Kung minsan, kapag ako'y pinagpapawisan dulot ng matinding init at trapik, kulang ang isang bimpo para ipangpunas ng pawis.
Ang polusyon ay talamak na sa ating lugar at maging sa buong daigdig. Sino ba naman makatitiis langhapin ang usok mula sa tambutso ng mga sasakyan? Ano ito, Langhap-Sarap? Kulang ang panyo para ipangtakip sa ilong at bibig. Dapat ay gas mask. Subukan mong mangulangot matapos ang mahabang byahe papuntang EDSA o saan mang bahagi ng Metro Manila. Tiyak kasing katulad ng mga kulangot mo ang mga sundot-kulangot sa Baguio.



Hanggang kailan natin makikita ang signboard na "kasunod ng abala, dadaloy ang ginhawa"? Pasakit ang mga ganitong proyekto na imbes na abutin lamang ng sandaling panahon, ay balak pa yatang tumambay at hintayin ang Kapaskuhan. Sa tuwing luluwas ako patungong Maynila, nakikita ko ang ganitong karatula sa may Ortigas extension. Ganoon at ganoon ang eksena. Kagabi, dumami na sila. At magkakasunod pa. Biruin mo, tatlong karatula na may nakalagay na "kasunod ng abala, dadaloy ang ginhawa"? Triple the traffic; triple the fun, este, pasakit. Maaari ngang may ginhawang matatamo sa pagsasagawa ng ganitong klaseng mga proyekto. Ngunit hindi ba't kailangan din isaalang-alang ang mga kapakanan ng mga tao. Lalo na kung ito'y lubos ng nakapeperwisyo.

Lagi kong sinasambit sa sarili ko (ngunit hindi masyadong malakas dahil baka pagkamalan akong baliw) na "late nanaman ako." Kailan ba ako hindi na-late? Para sa mga nagtataka kung bakit madalas akong late, kabilang ito sa mga dahilan. O kung minsan naman ay kawalan lang talaga ng disiplina sa sarili.

Pagsabay-sabayin mo ang ganitong mga eksena at tiyak masisira ang buong umaga mo. At sa kasamaang palad, wala tayong magagawa kundi ang mag-adjust na lamang sa mga ganitong klaseng sitwasyon. Gayunpaman, dito ko masasabing "Do not hate the people; hate the system."